Dota pa?
By:
Leo Vincent A. Villanueva
June
28, 2011, maliban sa petsang July 2, 2011 kung s’an sinapak at biniyayaan ng
“smokey eyes” ni Mayor Sara Duterte ang isang aroganteng sheriff ng RTC 11,
marahil ay ‘di ko rin makakalimuan ang petsang ‘to sa buong buhay ko. Oo, isa
ako sa iilan at piling-piling kasama sa isang pangyayaring paminsan-minsan lang
naman nangyayari sa kasaysayan ng Davao City.
Tulad ng ibang trahedyang nangyari, mayroong
nakalakip na kuwentong tiyak na makakaantig sa inyong mga puso’t makakapagbukas
sa inyong mga isipan.
Kung
‘di ako nagkakamali, nangyari ‘to sa araw ng martes. 7pm nang natapos ang klase
ko, tumambay ng konti sa labas, at naglaro ng isang round ng dota. Walang kamalay
malay sa paparating na unos…ay hayahay!
Nang
biglang bumagsak ang ulan. Sinaklot ng matinding takot at poot ang aking loob,
nababalisa at nanginginig ang aking katawan, nakisabay sa bagsik ng panahon ang
takot na aking naramdaman. Sa kabila ng matinding buhos ng ulan, ako’y lumusob,
hindi ko sinawalang bahala ang aking mga naramdamang hindi ko maipaliwanag. ‘di
ko na ininda ang mabasa, basta’t ako’y sumugod nalang, at sumakay ng jeep.
Bangkal,
Matina. Dito kami lumipat ng pamilya ko pagkatapos kaming palayasin sa dati
naming tinitir’han, wala na talagang perang mailabas ang nanay ko noon, baon sa
utang at samut-sari pang mga karaniwang problema ng mga mahihirap na mamamayang
Pilipino, at sa sobrang pagiging “karaniwan” tila wala na yatang pag-asa.
Tinanggal
ko ang aking sapatos para hindi mabasa, ang aking nag-iisang balat na sapatos
na punong-puno na ng bakas ng iba’t-ibang klaseng landas na tinahak, binalot q
sa plastic at maingat na ibinitbit. Lampas tuhod na ang inabot ng maruming
tubig pagbaba ko sa jeep, malakas ang agos, para akong tinutulak nang
sangkatutak na maliliit na tao sa lakas ng agos ng tubig.
Natatanaw
ko na ang aming payak na bahay, maingat akong tumawid at lumangoy sa malasapang
baha. Alam kong hindi na ako nalalayo sa aming bahay, ngunit parang langit at
lupa pa rin ang pagitan ko sa aking tahanan. Inisip ko ang nanay ko, ang
kapatid ko, at ang aking pamangkin na sanggol pa lamang, silang palaging nasa
bahay, wala namang dahilan upang lumabas, wala namang pera.
Ilang
beses silang pumasok sa isipan ko, at alam kong sila rin ang dahilan ng aking
matinding pangamba.
Sa
aking pagtawid, ako’y sumuko, mga paa ko’y nanghina at ako’y inagos ng tubig.
Sinubukan ko muling bumangon at bumalanse, Kailangan kong bumalik sa aking
pamilya, at alam kong Kailangan nila ako.
Dumating
din ko sa bahay namin, ako’y natakot, wala na roon ang pamilyang aking
inaasam-asam. Marahil sa matinding pagod at kawalan ng loob, bigla akong
napatumba at nahimatay sa sahig.
Kinabukasan
na nang ako’y nagising, huni ng sirena ang gumising sa akin. Kaagad ko silang hinanap,
“Nay! Te! Asa na mo?” walang sumagot…”Nay! Te! Asa na mo??” wala pa ring sumagot…
Umabot
ako sa evacuation center sa kakahanap sa kanila, doon umasa akong makita sila.
Nakita ko ang aking mga pinsan, at iba pang kamag-anak, ngunit walang nanay,
ate at pamangkin. May narinig akong mga hiyaw ng mga pusong naghihinagpis sa
isang silid. Mga ilang hanay ng nakarolyong banig ang aking nakita, hinila ako
ng aking pinsan at binuksan niya ang isa sa mga banig.
Tumakbo
ako papalayo, sa ‘sang tabi ako’y umupo’t napayuko, at sa matagal na panahon,
ako’y nanalangin, pangalawang buhay para sa aking mahal na pamangkin.