by Leo V.
Sining…mula sa kislap ng mga mumunting
bituin sa kalawakan, sa paghimbing at panaginip na inihabi ng mga matatandang
kababaihan sa isang telang ibinuo mula sa puno ng abaka, ito, ang tunay at
autentikong sining ng mga Pilipino. Lahat ay sining, magmula sa pananamit,
pagsasalita, at pag-uugali, lahat ay may kauukulang pamantayan ng kagandahan.
Ito ang tradisyon ng mga Pilipino, pinong pag-aasal, at purong puso ang
iginugugol sa bawat gawain.
Ang sining, ayon kay Webster ay “the
production, expression, or realm of what is beautiful”. Kung ang tradisyunal na
sining ay nakikiisa sa kultura at gawi ng mga Pilipino, at kung ito’y
ihahalintulad sa deskripsyon ni Webster sa sining, marahil nangangahulugan rin
ito na sa kagandahan ng ating kultura noon, maihahalintulad rin ba ito sa isang
awtentikong sining?
Ang Pilipinas ay kilala ‘di lang sa
Asya ngunit sa buong mundo bilang tahanan ng mga magagaling na artists at bansa
ng mga taong mahilig sa arts. Kahit
saang dako ka man mapunta sa Pilipinas ay tiyak na may ilan silang maipagyayabang
na produkto ng mga malilikahaing kamay ng mga lokal na eksperto sa sining.
Tunay na maipagmamalaki ang
tradisyunal na sining at kadalubhasaan ng mga mamamayan ng Pilipinas. Magandang
isipin na ang mga dalubhasang ito ay hinasa na sa kani-kanilang sining mula pa
pagkabata at hinubog na ang kani-kanilang mga kamay at kaluluwa sa paglikha at
pagtatanggol ng sining hanggang sa kamatayan.
Ilang ulap na ang dumaan, ilang
pagsubok ang lumipas, ilang tela na ang hinabi, at sa kasalukuyang panahon,
nakalulungkot lang, tila lahat ng mga itinuring na gawain ng purong puso at
pinong kumpas ng mga kamay ay tila isang larawan sa panginorin na unti-unting
lumalabo at kumukupas.
Dati-rati’y umaabot ng higit-kumulang
apat na buwan ang paghahabi ng isang T’nalak, itoy isang telang inihabi na
nagpapakita ng pagkakasunod-sunod na pangyayari sa isang panaginip ng mismong
manghahabi. Mula sa pagkuha ng hinimay-himay na habla ng abaka hanggang sa
mismong paghabi gamit lamang ang kamay at paa,, lahat ng proseso sa paggawa ay
nangangailangan ng ingat at naayon sa tradisyon.
Itinuturing na isang mahalagang kasangkapan
ang T’nalak sa tribu ng T’boli, ito ay nagsisilbing simbolo ng pag-iisang
dibdib ng lalaki at babae, at nagsisilbi ring pamana o “heirloom” ng magulang
sa anak. Ngunit sa ngayon, ang dati’y sagradong T’nalak ay ngayo’y ibinebenta
na at itinuturing bilang isang simpleng produkto ng komersyalismo.
Kung dati’y inaabot ng halos apat na buwan ang
paggawa ng isang T’nalak, ngayo;y minamadali na ng mga “dream weavers” ang
produksyon upang umabot sa deadline na ipinapataw
ng kani-kanilang industriyalisadong amo. Nasaan na ang kultura? Ni hindi na nga
pinapatawan ng naka akmang ritual o orasyon ang dapat sanang isang mahalagang instrumentoat
simbolo ng isang buong tribu.
Ang pagbabago ay hindi nakasasama kung
ang pagbabago mismo ay dumidinig sa mga pangangailangan at kabutihan ng
pangkalahatan. Diba’t kailan lang umusbong ang balitang tumaginting sa tenga ng
mga pari’t Obispo, madre at iba pang miyembro ng konserbatibong Iglesia Katolika?
Nilagyan ng condom ang krus, ginuhitan ng kung anu-anong bandalismo at
nakakaasiwang marka ang imahe ni Hesu Kristo, ito ba ay isang sining? Kailan
nga ba maitatawag na sining ang sining? Dahil ba sa gawa ito ng isang dalubhasa?
Gawa ng artist?
Hindi ba’t ang kahulugan ng art ay
isang ekspresyon ng kadalubhasaan sa paggawa ng bagay na naayon sa pamantayan
ng kagandahan? Ako’y nagulat sa balita sa telebisyon nang nabenta ang isang
larawan ng toothpick na iginuhit ng isang tanyag na artist sa Estados Unidos sa
halagang 3000 dollars, o tumataginting na 138 000 pesos. Isang toothpick na
kahit isang bata ay kayang kopyahin.
Ang pagkawala ng kalaliman ng
tradisyunal na sining Pilipino ay epekto nang pagbabago ng panahon at dala na
rin nang matindig impluwensya ng komersyalismo at globalisasyon, kung saan ang
lahat ng mga nakaugalian ay unti-unting nagbabago. Tama bang makibagay tayo sa
kung anu ang nauuso at bago at isasawalang bahala ang isang maganda at
maipagmamalaking kultura? Kung ako ang tatanungin ay hindi. Bakit natin
babaguhin ang isang bagay na hindi naman kailangang baguhin?
Kung sana’y nalalaman lang ng lahat ng
Pilipino ang tunay na kahulugan ng isang kultura at tradisyunal na sining,
marahil isa na tayo sa mga tao sa mundo na malaki ang respeto sa sariling bansa
at kultura nito. Mayaman ang ating kultura, huwag nating hayaang mawala ang
kahalagahan nito.
Isipin at isa puso natin lahat ng
iniambag na dugo at pawis ng ating mga ninuno upang mabuo ang isang magandang
kulturang nagbigay daan sa pag usbong ng magandang sining. Pangalagaan natin
kung ano ang natitira at huwag nating hayaang masayang lang ang huling hibla ng
T’nalak.